23

Oct 8, 2021 @ 11:08
By

Mga magulang at ilang doktor may bangungot pa rin sa dengvaxia incident – NTF

Aminado ang National Task Force Against COVID-19 na hindi madaling makumbinsi ang mga magulang na pabakunahan ang mga anak edad 12-17 laban sa COVID-19 dahil sa iniwang bangungot ng dengvaxia controversy.

Sa report ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez kay Pangulong Rodrigo Duterte, may mga duktor aniya at mga magulang na takot at may agam-agam dahil sa naging karanasan ng nakalipas na administrasyon sa paggamit ng dengvaxia vaccine kung saan may mga batang namatay sa nabanggit na bakuna.

“Itong pediatric po napakasensitibo ito because of the Dengvaxia incident of the previous administration. Sa ngayon po talagang takot ang mga ibang duktor at yung ibang mga magulang,” ani Galvez.

Sensitibong isyu aniya ang pagbakuna sa mga bata kaya gumawa ang National Vaccination Operation Center (NVOC) ng phased approach kung saan uunahin muna ang mga kabataang may comorbidities at gagawin ito sa anim na hospital sa Metro Manila kung saan babantayan at oobserbahan ang mga babakunahang mga kabataan.

“Yung children vaccination is a very sensitive issue sa Pilipinas kaya gagawin natin ang phased approach para at least may kumpiyansa yung mga magulang,” dagdag ni Galvez.

Pero sa kabila ng kaunting agam-agam, sinabi ni Galvez na may ilang hospital sa Cebu at Iloilo na gustong magkaroon na rin ng pilot project para sa pediatric vaccination na nakatakdang simulan sa October 15 sa National Capital Region . (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?