john-bulalacao
By

Mga magdi-date sa Valentine’s Day, pinag-iingat ng PNP

Sharing is caring!

Nagpaalala ang Philippine National Police (PNP) sa mga magkasintahan o mag-asawa na mamamasyal sa Valentine’s Day na mag-ingat sa mga modus operandi ng mga kriminal.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Chief Supt. John Bulalacao, inaasahan na nila ang pagdagsa ng mga magdi-date sa malls, amusement parks, restaurants at iba pang lugar.

Dahil dito, asahan na rin aniya na magiging masigla ang mga notoryus na indibiduwal at grupo sa kanilang mga modus katulad ng credit card scam o baraha gang, bukas kotse, ipit-taxi, laslas bag/pocket, pitas, at salisi kaya naman dapat na maging alerto ang sinuman.

Huwag din umanong ipo-post sa social media ang anumang plano o mga gagawin para sa pagdiriwang ng Valentine’s Day upang hindi maging biktima ng Akyat-Bahay Gang dahil malalaman ng salarin na walang tao sa mga bahay ng magpo-post.

Sabi pa ng tagapagsalita, kung makakakita ng kahina-hinalang bagay o tao ay ipagbigay-alam sa pinakamalapit na police station upang agad na makaresponde ang mga pulis.

Palalakasin naman ng PNP ang kanilang presensiya sa mga pampublikong lugar bukas kasabay na rin ng Ash Wednesday ng mga Katoliko.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?