18

Jul 16, 2021 @ 19:03
By

Mga lugar na may Delta variant, senior tuturukan ng J&J bakuna

Prayoridad na makatanggap ng single-dose Johnson & Johnson vaccine ang mga lugar na may local case ng mas nakahahawang Delta variant at mga senior citizen.

Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr., 3.2 milyong dose ng bakuna ay ibubuhos sa Metro Manila, Western Visayas at Northern Mindanao na mga “areas of interest”.

“Ngayon ang directive namin, ang darating na Johnson & Johnson vaccines, ibibigay natin sa mga tinatawag na areas of interest: Region 10, Metro Manila, Region 6,” sambit ni Galvez sa media briefing.

“Ang J&J kasi one shot yan. Ipo-focus natin ang inoculation sa vulnerable sector, lalo na ang A2,” dagdag niya.

Nitong Biyernes dumating sa bansa ang unang batch ng mahigit 1.6 milyong dose ng Johnson & Johnson vaccine na parte ng donasyon ng Amerika.

Iniulat din ang unang 11 local case ng Delta variant sa bansa.

Sa ngayon ay may 39 kaso ng Delta variant ang Pilipinas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?