42

Jan 9, 2022 @ 15:22
By

Mga LGUs kakapusin pa rin kahit may Mandanas ruling – ChiZ

Pinapayuhan ni Sorsogon Gov. Chiz Escudero ang mga kapwa niya local chief executive na huwag asahan ang karagdagang P234 bilyon sa internal revenue allotment (IRA) ngayong taon alinsunod sa pagtalima ng pambansang gobyerno sa Mandanas ruling ng Korte Suprema.

Ayon kay Escudero, na isang beteranong mambabatas, lampas doble ang halaga ng buong full devolution of services na nilalaman ng Executive Order (EO) 138 kumpara sa halagang matatanggap ng mga lokal na pamahalaan mula sa national tax collection.

“Inisa-isa ko iyon sa national budget ng 2021 dahil line item naman ang budget. Ang kabuuang halaga ng dini-devolve nila sa LGU ay humigit-kumulang P1.3 trillion samantalang ang dagdag na IRA na bigay ng Mandanas ruling ay P695 billion lamang,” ani Escudero.

“In other words, they devolved double the amount of what they will be giving LGUs. Iyon pa lang kukulangin palagi yung pondo ng LGUs,” aniya.

Ayon sa Department of Budget and Management, ang kabuuang IRA para sa lahat ng lokal na pamahalaan ngayong 2022 ay magiging P1.083 trilyon (na 4.75% ng gross domestic product ng bansa) mula P695.49 bilyon noong 2021. Ibinase ito sa nakolektang buwis ng pamahalaan noong 2019 kung kailan nagdesisyon ang Korte Suprema na bigyan ng malaking tipak ang mga lokal na pamahalaan sa pambansang kita.

Lalaki nang bahagya ang parte ng mga lokal ng pamahalaan sa IRA subalit madaragdagan naman ang trabaho ng mga ito base na rin sa EO 138 na inilabas ng Palasyo bilang antisipasyon sa mababawas na pondo sa pambansang gobyerno bilang epekto ng Mandanas ruling.

“Hindi dapat umasa ang mga LGUs sa sinasabing windfall from Mandanas ruling kasi mas matindi ang windfall ng trabaho at pagkakagastusan nila dahil sa EO 138,” sabi ni Escudero na kumakandidato para sa Senado.

“Gaya din ng naranasan natin ngayong COVID-19 pandemic at nitong nakaraang Typhoon Odette, kanya-kanyang diskarte ang mga LGUs para tugunan ang pangangailangan ng kanilang mga constituents. Ganun din ang inaasahan nating mangyayari sa full devolution,” dagdag nito. (Dindo Matining)

Abantelliling with Ritz Azul

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?