30

Jan 13, 2021 @ 17:28
By

Mga LGU, 3 pagpipilian na COVID vaccine – Galvez

Tatlong kompanya ang maaaring pagpilian ng mga local government unit (LGU) para sa bibilhing bakuna kontra COVID-19.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez na bukod sa AstraZeneca ay papasok na rin sa tripartite agreement ang mga kompanyang Novavax at Moderna para pagkunan ng bakuna.

Isinasapinal na lamang aniya ang kasunduan sa dalawa pang kompanya para mayroong ibang pagpilian ang mga lokal na pamahalaang gustong bumili ng sariling bakuna.

“Pina-finalize na po natin iyong tinatawag nating tripartite agreement, iyong pro forma. Kaya po ngayon, tatlo na po ang vaccine maker na puwede pong piliin ng ating LGUs,” ani Galvez.

Ilang mga alkalde sa Metro Manila ang lumagda na ng kasunduan para bumili ng vaccine sa Pfizer sa halip na sa Sinovac na gawang China.

Sinabi ni Galvez na government-to-government ang kasunduan sa Sinovac at kung ayaw man ito ng ibang mayayamang lungsod, mayroon aniyang ibang LGUs ang nagsabing sila ang gagamit sa mga bakuna.

Inaasahan aniyang darating sa bansa ang mga bakunang gawa sa China sa Pebrero.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?