62

Mar 17, 2020 @ 18:56
By

Mga laro ng PCSO tigil muna dahil sa COVID-19

Bilang pagsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpatupad ng enhanced community quarantine ay inanunsyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang pagsuspinde ng kanilang mga laro simula nitong Martes, Marso 17.

Ayon kay PCSO General Manager Royina Garma, matapos ang board meeting ay napagdesisyunan na pansamantala munang itigil ang lotto, digit games at Keno sa buong bansa gayundin ang small-town lottery sa Luzon, habang ang STL sa Visayas at Mindanao ay isasailalim sa araw-araw na monitoring.

Simula ngayong araw din ay tigil muna ang operasyon ng PCSO sa Lung Center at nagtalaga na lang ang ahensya ng mga hotline numbers para sa mga humihingi ng tulong.

Narito ang mga hotline number na maaaring tawagan ng mga humihingi ng medical assistance: 09457746439, 09152962243, 09177035866, Landline 0284043956 at Email: pcsomain.charity@pcso.gov.ph.

Ang mga ito ay ire-refer sa pinakamalapit na ospital na mayroong Malasakit Center at iba pang government hospitals.

Dagdag pa ni Garma na sa kabila ng mga hakbang na ito, makakaasa ang sambayanang Pilipino na ang buong kawani ng PCSO ay parating nakaantabay sa mga pangyayari at handang magbigay ng serbisyo sa anumang oras kung kinakailangan.

Nito lang nakaraang linggo ay inaprubahan ng PCSO Board ang pagbibigay ng P420 milyon ayuda sa gobyerno para makatulong sa paglaban sa COVID-19 pero hindi pa rito nagtatapos ang pagbibigay ng tulong ng ahensya at inanunsyo rin ni Garma ang karagdagang P1 bilyon tulong sa gobyerno.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?