18

Jul 21, 2021 @ 15:56
By

Mga labor group inginuso ng DOLE sa nabasurang ‘endo bill’

Isinisi ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga labor group kung bakit na-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang batas na magwawakas sa kontraktuwalisasyon sa bansa.

Ayon kay Bello, 2019 pa lamang ay sinertipikahan nang “urgent” ng Pangulo ang anti-endo bill, na kapwa na aprubado ng Kamara at Senado.

Handa na raw sanang pirmahan ito ni Pangulong Duterte upang maging ganap na batas ngunit ilang labor group ang nagprotesta laban dito.

“As early as 2019, he certified (as urgent) the endo bill in Congress, which was approved by the House of Representatives and the Senate. He is ready to sign the law but some labor groups have protested, they do not like the endo bill that was passed by Congress, on that basis our President vetoed it,” pahayag ni Bello sa PNA report.

Sa ngayon ay umaasa silang sesertipikahang “urgent” ni Pangulong Duterte at wala nang kokontra sa panukalang “Security of Tenure at “End of Endo Act”, na wala aniyang halos pinagkaiba sa na-veto ng punong ehekutibo.

“The only thing is what could be contracted by employers. The provisions of the bill approved by Congress are good,” wika ni Bello.

“We will ask him to certify it. I’m confident that he will certify it. Hopefully, this will pass. Hopefully, no one will complain,” dagdag niya.

Noong Lunes muling umapela ang Malacañang sa Kongreso na ipasa na ang panukala para sa “right to security of tenure” ng mga casual at contractual employee ng mga pampubliko at pribadong sektor.

Sa kabila naman aniya ng pag-veto ng Pangulo sa anti-endo bill, sinabi nitong nasa 700,000 empleyado pa rin ang naregular sa ilalim ng Duterte administration.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?