302

Aug 15, 2019 @ 14:35

Mga kuha ng na-monitor na Chinese warships sa PH waters, nilabas na ng AFP

Nakunan ng larawan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang limang Chinese warships na pumasok sa Philippine waters, partikular sa Sibutu strait sa Tawi-Tawi.

Batay sa monitoring ng AFP Western Mindanao Command (Wesmincom) nitong apat na Chinese warships ang pumasok sa Sibutu Strait noong Hulyo 2, 2019, na nasundan ng isa pa nitong Agosto 4.

Ayon kay AFP Wesmincom Commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana, tinangka ng mga sakay ng air at naval assets ng Wesmincom na i-approach ang nasabing warships, pero agad itong umiwas.

Sensyales aniya ito na hindi “innocent passage” ang ginawa ng mga Chinese warship, kundi pagpasok nang walang pahintulot sa territorial water ng bansa.

Sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS, lahat ng foreign vessel na dadaan sa karagatang hindi nila sakop ay dapat naka-straight path lamang patungo sa kanilang direksyon na ibig sabihin ay innocent passage.

Una nang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na kinakailangan ng lahat ng foreign vessels na humingi ng diplomatic clearance mula sa Philippine government kapag dadaan sa karagatang sakop ng Pilipinas. (Edwin Balasa)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?