73

Oct 30, 2017 @ 16:03

Mga kritiko ni Duterte, babatuhin ni Roque ng adobe

Nakahanap ng panangga ang Malacanang laban sa mga kritiko ng Duterte Administration.

Sinabi ni incoming Presidential Spokesman Harry Roque na tatapatan niya ang mga kritikong walang ginawa kundi bastusin at siraan ang Duterte administration.

Ngayon pa lamang aniya ay magbibigay na siya ng warning sa mga grupo o personalidad na naninira lamang dahil sila ay nambato, babalikan niya ang mga ito at hindi na bato kundi hollow blocks ang ibubuwelta sa mga ito.

“Asahan ninyo po na hindi tayo papayag na lapastanganin ang Presidente natin ng walang kasagutan. At bibigyan ko na ng notice yung mga walanghiya na naninira lamang. Kung dati rati eh hindi kayo nababato bagamat kayo’y nambabato, ngayon po maghanda na kayo,” banta ni Roque.

“Dahil pag kayo’y nambato hindi lang bato ang itatapon ko sa inyo hollow blocks. So abangan n’yo po ang mga adobe at hollow blocks na itatapon ko sa inyo,” ang pahayag ni Roque.

Para naman sa mga naghahangad na maagaw ang puwesto ni Pangulong Duterte o hindi makapaghintay sa susunod na presidential elections, manigas aniya silang lahat dahil hindi siya papayag na mangyari ito.

Hinimok ni Roque ang mga kritiko ng administrasyon na sa halip manggulo at manira, tumulong na lamang sa bansa dahil maraming problema na dapat harapin para sa sambayanan. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?