114

Aug 9, 2018 @ 15:11
By

Mga kontratista, umaangal sa cash-based budgeting – DPWH

Aminado ang Department of Public Works ang Highways (DPWH) na malaking hamon sa kanila ang ipatutupad na cash-based budgeting sa susunod na taon.

Sa budget briefing sa Kamara, sinabi ni DPWH Sec. Mark Villar na ayaw sana nila na magkaroon ng deadline sa pondo dahil kadalasang multi-year o maraming taon inaabot ang kanilang mga proyekto.

Sa katunayan, may natanggap na aniya silang reklamo mula sa mga kontratista na nangangambang mahirapan silang makakuha ng loan o umutang sa bangko dahil sa cash-based budgeting ng gobyerno.

Ayon kay Villar, kinuha na nila ang opinyon ng Landbank tungkol dito pero wala pang sagot ang bangko.

Binanggit din ng kalihim na dahil sa bagong sistema ay bumaba ng P95.2 bilyon ang kanilang panukalang budget sa susunod na taon.

Ang panukalang pondo ng DPWH sa 2019 ay P544.521-B o mas mababa ng 14.63% kumpara sa P637.864-B na budget nito ngayong taon.

Sa ilalim ng cash-based budgeting, mapapaso sa loob ng isang taon ang alokasyon sa bawat ahensya at babawiin ang hindi magagamit na pondo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?