24
martin-andanar
By

Mga kontra sa TRAIN, libreng magmartsa – Palasyo

Sharing is caring!

Hindi hahadlangan ng Malacañang ang anumang plano ng mga grupong lantarang tumututol sa Tax Reform for  Acceleration and Inclusion o TRAIN ng gobyerno.

Inihayag ito ng Palasyo sa harap ng ikinakasang petisyon ng ilang progresibong kongresista para kuwestiyunin sa Korte Suprema ang TRAIN pati na rin ang mga planong kilos-protesta ng iba’t ibang militanteng grupo.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar, na hinihikayat nila ang mga pampublikong debate para malinawan kung ano talaga ang tinutumbok at layunin ng bagong pagbubuwis.

Kagaya aniya ng mga nakalipas na mga kilos-protesta, hahayaan lamang ng Malacañang na maghayag ng kanilang pananaw ang publiko dahil karapatan naman nila ito.

Pero sinabi ng kalihim na tiyakin lamang na walang maaabala at mapeperwisyo kapag nagdaos ng rally o kilos-protesta ang mga tutol sa bagong pagbubuwis.

“Kasama sa proseso ‘yan, hindi naman tayo — hindi masama ang loob natin. In fact we encourage discourse no, public discourse lalo na sa mga ganitong klaseng… sabi nga ni Presidente eh, kung gusto mong magprotesta… sige gusto mong magmartsa… sige kahit ilang araw. Buong taon magmartsa ka, buong taon kang magprotesta, siguraduhin mo lang walang maaabala sa traffic,” ani Andanar.

Kasabay ng implementasyon ng TRAIN ay sabay-sabay humirit ng taas-pasahe ang iba’t ibang transport group dahil sa tumaas na presyo ng gasolina na epekto ng bagong pagbubuwis.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?