25

Dec 28, 2020 @ 20:41
By

Mga kontra sa bakuna ng Sinopharm, binuweltahan ng Malacañang

Isa-isang sinagot ng Malacañang ang mga kritiko ng administrasyon na kumukuwestiyon sa pagpili ng gobyerno sa bakuna ng Sinopharm ng China.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na kukuha ang gobyerno ng bakuna kung saan mayroong mapagkukunan gaya sa China dahil ang supply ng Pfizer ay nabili na kaagad ng mga mayayamang bansa.

Kaugnay sa pahayag ni Senador Francis Pangilinan na sana ang China na lang ang pinagbantaan ni Pangulong Rodrigo Duterte kapag nagbenta ng mahal na bakuna, sinabi ni Roque na mabuti na lang at hindi ito ang naging Presidente ng bansa.

Kaugnay naman sa puna nina Senador Juan Miguel Zubiri at Franklin Drilon na hindi gaanong epektibo ang bakuna ng Sinopharm, sinabi ni Roque na mataas ang naitalang bisa ng bakuna sa mga bansa kung saan ginawa ang kanilang clinical trials.

“Kay Senator Pangilinan, buti na lang hindi ka Presidente. Kay Senator Zubiri at Senator Drilon, World Health Organization po ang nagtatag ng benchmark pero wala pong nagsasabi na ang Sinovac or ang Sinopharm ay 50% lang ang efficacy,” ani Roque.

Nilinaw din ng kalihim na libre ang mga bakunang itinurok sa mga sundalo kaya huwag aniyang paniwalaan ang ulat na mas mataas ang presyo ng Chinese vaccine kumpara sa ibang kompanya.

“May mga sundalo na nabakunahan wala naman pong bayad iyan,so huwag po tayo maniwala na may presyo na rin talaga itong mga Chinese vaccine na ito,” dagdag ni Roque. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?