51

Oct 24, 2019 @ 16:31
By

Mga kontaminado ng ASF, alisin sa pamilihan – Pangilinan

Kung totoo umanong kontaminado na ng African swine fever (ASF) virus ang ilang meat product tulad ng tocino at longganisa, dapat tukuyin at tanggalin na ng Department of Trade and Industry at Department of Agriculture sa mga pamilihan, ayon kay Senador Francis Pangilinan.

“Ito ang mag-aalis sa takot ng publiko na kumalat ang mga produktong ito at sa posibilidad na makain ito,” sabi ni Pangilinan, dating Presidential Assistant on Food Security and Agricultural Modernization.

Ginawa ni Pangilinan ang pahayag matapos kumalat ang ulat na ilang hotdog, longganisa at tocino ang nagpositibo sa ASF virus.

Sabi ng senador, dapat pangalan na ng DTI at DA kung anong brand at kung sino ang mga manufacturer ng mga produktong tinamaan ng ASF virus.

Makakabuti aniya ito para malaman ng publiko kung anong meat product ang sertipikadong ligtas para kainin.

“Maging aral sana ito sa mga kinauukulan na mas maging istrikto sa pag-monitor at pag-test ng mga imported na pagkain. Pagkain ito. Kailangang ligtas at mabuti sa kalusugan ang kinakain natin,” ani Pangilinan.

Naiulat na dinapuan na ng ASF ang ilang mga babuyan sa Luzon partikular sa Cavite, Quezon City, Pangasinan, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, at Rizal kung saan halos 63,000 baboy na ang pinatay.

“Walang saysay ang ginagawang pagpatay sa mga baboy natin kung meron namang ASF na makakapasok sa ating bayan at mapupunta sa ating mga hapag-kainan,” ani Pangilinan. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?