11

Sep 12, 2021 @ 14:16
By

Mga konsyumer proteksyunan laban sa mga ‘financial fraudster’

Muling isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang panukalang batas na magbibigay ng karagdagang proteksyon sa mga konsyumer na tumatangkilik sa digitalization ng mga serbisyong may kinalaman sa pananalapi sa bansa.

“Dapat patuloy na maging maagap ang gobyerno sa pagkakaroon ng mga sapat na hakbang na magbibigay proteksyon sa ating mga konsyumers,” sabi ni Gatchalian.

Pinasalamatan naman ni Gatchalian ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa suportang ibinibigay nito sa kanyang Senate Bill No. 2287 o ang panukalang Financial Products and Services Consumer Protection Act lalo na’t binigyan diin nito ang kahalagahan ng batas na magsisiguro sa interes ng mga financial consumers.

Ayon sa Vice Chairperson ng Senate Economic Affairs Committee, dumadami ang bilang ng mga tumatangkilik sa mga financial services at mga makabagong pamamaraan ng serbisyong may kinalaman sa pananalapi simula noong isang taon o mula nang pumutok ang pandemya.

Sa paglago ng mga ganitong serbisyo at produkto, sinabi ni Gatchalian na marami ang naglipanang gumagamit ng makabagong pamamaraan para makapanloko o makakuha ng mga personal na impormasyon sa pamamagitan ng pag-hack sa online accounts at madaling nabibiktima ang mga taong gipit lalo na sa ganitong panahon.

“Kailangan nating makipagsabayan o kung maaari pa nga ay mas nauuna pa sa kaalaman na ginagamit ng mga hackers o mga kawatan na nagiging mas mapangahas,” paliwanag ni Gatchalian na Vice Chairperson din ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies.

Sa ilalim ng SB 2287, mapapalawak ang kapangyarihan ng BSP at iba pang financial regulators katulad ng Securities and Exchange Commission (SEC), Insurance Commission (IC), at Cooperative Development Authority (CDA) para magsagawa ng mga kaukulang hakbang na layong paigtingin ang proteksyon ng publiko sa pamamagitan ng market conduct surveillance and examination, market monitoring, enforcement, provision of complaints handling mechanism, adjudication at paggawa ng mga nararapat na panuntunan, paliwanag ni Gatchalian.

Sa kasalukuyan ay mayroon nang “manual on consumer protection” ang BSP ngunit hindi ito sapat, ayon kay Gatchalian, lalo na’t ang mga panuntunang nito ay sakop lamang ang mga financial institutions na nasa ilalim ng pangangasiwa ng BSP at hindi saklaw ang iba pang financial regulators o mga institusyon na nagbibigay din ng serbisyong may kinalaman sa pananalapi.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?