26

May 22, 2020 @ 17:59
By

Mga kongresista pabor sa extension ng sesyon

Pabor ang ilang kongresista sa panukalang palawigin pa ang sesyon ng Kongreso upang talakayin ang mga panukalang makatutulong sa pagtugon kontra COVID-19 kabilang na dito ang mga panukalang makakapagsigla muli sa ekonomiya ng bansa.

Magtatapos ang regular session ng Kongreso simula Hunyo 6.

Ayon kay Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor pabor naman ang karamihan sa mga miyembro ng Kamara para sa pagpapalawig ng sesyon, ang problema lamang ay itinakda sa ilalim ng Section 15, Article VI (The Legislative Department) ng konstitusyon ang mandatory adjournment mula Hunyo 6 hanggang Hulyo 24.

Dahil dito, ang magiging remedyo na lamang ay magpatawag ng special session ang Pangulo.

“The remedy is for President Duterte to call Congress to a special session during the mandatory adjournment from June 6 to July 24,” ayon kay Defensor.

Samantala, pabor naman si AKO BICOL Party-list Rep. Alfredo Garbin na palawigin ang Bayanihan to Heal as One Act na nagbibigay ng emergency power kay Pangulong Duterte upang ganap na matugunan ang COVID-19 pandemic.

“It is my opinion that the emergency power given to the President must be extended in order to carry out a declared national policy,” ayon kay Garbin.

Una nang iginiit ni Senador Panfilo Lacson na dapat pang palawigin ang Bayanihan to Heal as One Act kahit matapos na ang Hunyo.

Ayon sa senador, ito ay upang mabigyan pa ng panahon ang pamahalaan na matugunan nang maayos ang coronavirus disease (COVID-19) pandemic at ang epekto nito sa bansa.

Sa ilalim ng naturang batas, binibigyan si Pangulong Rodrigo Duterte ng awtoridad hanggang June 24 na mag-realign ng mga pondo sa national budget upang mapunan ang pangangailangan ng bansa sa pagtugon sa nararanasan nating national health emergency.

Tingin ni Lacson, kailangan pa ang extension dahil base sa nakikita niyang sitwasyon ngayon ay hindi pa tayo tapos sa problemang ito pagdating ng June 24.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?