93

Sep 17, 2018 @ 15:02
By

Mga kongresista nagkagulo sa sesyon ng 2019 national budget

Naantala ang pag-uumpisa ng marathon session para sa P3.757 trillion national budget.

Ito ay dahil nabalot ng tensiyon ang all-member caucus na ipinatawag ng liderato ng Kamara para sa budget bago ang dapat na pagsisimula ng sesyon ng alas-10 ng umaga.

Natuklasan umano nina Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at House Majority Leader Rolando Andaya na mayroong isiningit na P55 bilyon na halaga ng mga proyekto si dating Speaker Pantaleon Alvarez sa 2019 budget.

Mayroon umanong ibang alokasyon na nabawasan para lamang mapondohan ito.

Pero sa caucus, ayon sa ilang source na dumalo dito, ipinatatanggal nina Andaya kay House appropriations committee chairman Karlo Alexei Nograles ang P55 bilyon na ipinalaan ni Alvarez sa mga pet project nito.

Pero naiipit umano si Nograles dahil mismong mga ‘top official’ mula sa Malakanyang ang tumatawag dito para huwag galawin ang naturang alokasyon.

Humantong daw ang diskusyon sa sigawan sa pagitan nina Andaya, Nograles at appropriations vice chairman LRay Villafuerte.

Kasabay nito’y umugong rin na papalitan si Nograles bilang chairman ng appropriations committee, bagay na walang gustong magbigay ng kumpirmasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?