462

By

Mga kongresista magwawala sa P75B tapyas sa DPWH budget – Lacson

Inaasahan na ni Senador Panfilo Lacson na mag-aalburoto ang mga kongresista sa pagpapatapyas ng Senado sa P75 bilyon na idinagdag ni Budget Secretary Benjamin Diokno sa panukalang badyet ngayong taon ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Bagaman binibira ni House Majority Leader Rolando Andaya ang pagdaragdag na ito ng badyet, sinabi ni Lacson na bahagi nito ay ipinamudmod ng liderato ng Kamara bilang pork barrel ng mga kongresista.

Sa inisyal na impormasyon ni Lacson, nakapaloob dito ang P51.7 bilyon na nakita nilang pork sa badyet ng DPWH.

Ang P20 bilyon ang sinabi niyang pinagmulan ng P60 milyong pork para sa bawat kongresista, P31 bilyon para sa mga farm to market road at infrastructure projects sa balwarte nina House Speaker Gloria Macapagal Arroyo at Andaya.

Dahil dito, sinabi ni Lacson na tiyak nang magiging “madugo” ang debate ukol sa badyet kapag dinala sa Bicameral Conference Committee pero hindi umano bibigay ang Senado.

Nagkasundo na umano ang mga senador na ipaglaban ang distribusyon ng pondo sa mga proyektong pakikinabangan ng publiko at sisiguraduhing hindi iyon magiging pork barrel.

“Medyo madugo yan pagdating sa Bicam. But as long as the Senate will stand our ground,” ayon kay Lacson.

“Ganun talaga ang labanan but we have to do our job. Kung iki-criticize tayo at may makakaaway tayo, so be it. That’s the way it goes,” dagdag ni Lacson.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?