46

By

Mga kongresista ‘behave’ sa 2020 budget bill – Lacson

Walang nakikitang iregularidad sa ngayon si Senador Panfilo “Ping” Lacson sa bersiyon ng panukalang 2020 bugdet na inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ayon kay Lacson, ang tanging nakita niyang pagbabago sa House version ng General Appropriations Bill (GAB) ay ang P9.5-bilyong institutional amendment na nauna nang hinayag ng liderato ng Kamara.

Tinawag pa ng senador na “most behaved” ang mga kasalukuyang miyembro ng Kamara dahil wala naman masyadong ginalaw sa panukalang pondo para sa 2020.

“In fairness dito sa present HOR, ito yata ang sasabihin kong most behaved na counterpart namin sa panahong ito,” pahayag ni Lacson sa panayam sa DZBB kanina, Nobyembre 3, 2019.

“Kasi ang in-announce nila na P9.5B na talagang institutional amendments naman na ginalaw sa National Expenditure Program (NEP), na kinonvert nilang GAB-1, ang tinatawag naming GAB-1, kasi na-transmit sa amin ang HOR version ang GAB-2,” dagdag pa nito.

Kaiba aniya ito sa nagdaang taon kung saan umabot sa mahigit P75 bilyon ang dinagdag sa NEP.

“Ang gumalaw lang talaga as announced, ang P9.5B. I don’t know what actually happened, bakit wala ang tulad noong nakaraan na umabot sa P75B mahigit,” sambit ng senador.

“Pero ngayon, talagang ang sinabi nila na nilagyan nila ng pondo ang NFA para sa palay; ang DOH para pag-augment sa Universal Health Care, talagang yun lang,” dugtong pa nito.

“In fairness to Speaker [Alan Peter] Cayetano, talagang pinangatawanan nila ‘yung P9.5 billion,” ayon pa kay Lacson.

Noong Setyembre, nagbungguan ang Senado at Kamara matapos ibunyag ni Lacson na plano ng Kamara na bigyan ng P700 milyon ang bawat kongresista at P1.5 bilyon naman ang mga deputy speaker sa ilalim ng 2020 national budget.

Subalit giniit ni Cayetano na ang House-approved budget bil ay walang pork, walang insertion at walang pondong naka-parke sa iba’t ibang ahenisya ng gobyerno.

Ang kasama lang aniya ay ang P9.5 bilyong institutional amendment na hinati sa iba’t ibang departamento kung saan may mga programa at proyektong kailangan ng pondo.

Subalit duda ni Lacson, maari pa itong mabago sa deliberasyon sa bicameral conference committee ng national budget.

“Ang hindi natin alam, ano ‘yung nasa armada pa nila na nakatago para sa bicameral conference. ‘Yun ang madugo, kasi hindi natin alam kung ano,” ani Lacson.

“Sana mag-hold na lang sa ganun at mga minor [change] na lang. Kung ano ‘yung magagalaw pa pagdating sa bicam e mga pang-improve na lang sa ating national budget,” dagdag pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?