156

Dec 13, 2017 @ 19:13
By

Mga komunista, pagpapraktisan ng attack helicopters

Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na magiging buwena-mano ang mga komunista sa mga bagong attack helicopters ng gobyerno kapag hindi tumigil sa kanilang opensiba.

Ito ang inihayag ng Pangulo matapos saksihan ang pagwasak sa mga nasamsam na mga armas sa Marawi City sa isang seremonya sa Fort Bonifacio, Taguig City.

Ayon sa Pangulo, hindi totoong para sa bayan ang ipinaglalaban ng kilusang komunista dahil sila mismo ang nagpapahirap sa mga Pilipino lalo na ang mga mahihirap na sektor gaya ng mga magsasaka.

Ginawang halimbawa ng Presidente ang mga magsasaka sa mga kanayunan na hinihingan ng New People’s Army at kapag hindi nakapagbigay ay sinisira ang mga gamit sa pagsasaka.

Maging ang mga negosyanteng nagbibigay ng trabaho sa mga mahihirap na Pilipino ay pineperwisyo ng mga komunista sa pamamagitan ng pagwasak o pagsunog sa mga gamit ng mga ito.

Sinabi ng Pangulo na napipika na siya sa mga komunista kaya’t mayroon aniyang isang taon para umayos ang mga ito dahil kapag hindi tumigil ay magtutuloy-tuloy ang bakbakan at tiyak na mauubos ang mga ito.

Sinabi pa ng Presidente na mayroon siyang mga attack helicopters na gagamitin at pagpapraktisan ang mga ito sa halip na arestuhin.

“Napipika ako nitong mga komunista. So there is one year. There is—it is a big window for all of us. Now, I am not a dreamer. Pero ang reality ‘pag one year, ‘pag continuous ang bakbakan, mauubusan talaga iyan ng tao at bala,” aniya.

“At meron akong mga attack helicopters, kayo ang pagpraktisan ko. ‘Pag nandoon sa taas, ‘pag nakita ninyo iyan—may terorista ba, sabihin mo pa na arestuhin na. Praktisan ninyo agad. Patayan pala gusto ninyo,” ang pahayag ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?