35

Jan 23, 2020 @ 18:43
By

Mga kinumpiskang sausage ipakakain sa Taal evacuees

Inutos ni Finance Secretary Carlos Dominguez III sa Bureau of Customs (BOC) na i-donate lahat ng mga kinumpiskang food items na fit for human consumption sa mga evacuee sa Batangas at Cavite na apektado ng pagsabog ng Bulkang Taal.

Ayon sa Department of Finance (DOF) ngayong Huwebes, Enero 23, agad namang binigay ng BOC sa Deparment of Social Welfare and Development (DSWD) ang 32 paleta ng Libby’s Vienna Sausage na may lamang 180 kahon nito.

Marso 2018 pa umano kinumpiska ang mga de-lata na ipapamahagi na sa Taal evacuees.

Ayon kay BOC Deputy Commissioner Edward James Dy Buco, sapat ito para sa 53,000 pamilya o 267,000 evacuees. Nauna aniyang ma-clear ang mga ito ng Food and Drug Administration (FDA) bago ibigay sa DSWD at sinabi nang fit for human consumption.

Sabi ng DOF, nagpadala na rin ng samples ng corned beef ang BOC sa FDA para malaman kung maaari rin itong kainin. Ang de-latang corned beef ay nakaimbak sa isang 20-foot container.

Sabi ni Dy Buco, may maraming containers din ng hiladong isda na nasa Manila International Container Port na na-forfeit na at nakikipag-ugnayan na ang BOC sa Department of Agriculture (DA) kung maaari pa itong kainin para mai-donate.

Ayon sa DOF, nagdo-donate na ang BOC ng mga smuggled na bigas sa DSWD noon pa para sa mga disaster relief operations nito.

May mga nakumpiska rin ang BOC na mga emergency survival blanket, kumot at sapin, tuwalya, mga damit, at mga face mask mula sa ibang mga daungan na na-turn over na sa DSWD.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?