52

Jun 24, 2022 @ 18:35
By

Mga kawani ng gobyerno na may utang sa GSIS, mabayad na para makaiwas sa kaso

Mayroong hanggang Hunyo 30 ang mga dating kawani ng gobyerno para ayusin ang kanilang atraso sa Government Service Insurance System (GSIS) para makaiwas sa kaso.

Ito ang inihayag sa Laging Handa public briefing ni Diety Manampan, Officer-in-Charge at Vice-President ng GSIS VISMIN Operations Group bilang paalala sa mga dating kawani ng gobyerno na nag-iwan ng kanilang utang sa ahensiya.

Sinabi ni Manampan na mayroon silang Program for Restructuring and Repayment of Debts o PRRD kung saan target nila ang mga empleyadong umalis na sa gobyerno subalit mayroon pa ring atraso sa kanilang loan sa GSIS.

Sinabi ng opisyal na mas mainam na ayusin ang kanilang naiwanang loan para hindi makompromiso ang pension pagdating ng araw.

“Dito po sa PRRD, we are targeting those government employees na umalis ng gobyerno, but were not able to settle their loan application with us. This is your chance para ma-settle iyong loan, iwas kaso, iwas na makipaghabulan with GSIS, especially those na mayroon pa palang matatanggap at age 60 tapos pinabayaan ninyo iyong mga loan accounts ninyo. Sayang naman, baka pagdating ng 60 mo, instead na magpipensyon ka na or instead na makukuha mo iyong 60, magsi-zero na,” ani Manampan.

Kapag aniya nag-avail sa restructuring program ay hindi na hahabulin ang mga penalty at surcharges sa kanilang atraso at batas pa sa sakit sa ulo.

“So this is your chance now. We are waiving the penalties and surcharges pero kailangan ninyo pong mag-apply officially sa GSIS. Dalawa lang po ang requirements diyan: Mayroon po iyong form na puwedeng available sa aming website. You can download it through our website. And then, puwede po kayong bumisita sa lahat ng offices or tanggapan ng GSIS nationwide; and dalawang valid ID lang po para po kayo ay makapag-apply,” dagdag ni Manampan.

Mayroon na lamang aniyang anim na araw para gawin ito kaya dapat magtungo na sa malapit na GSIS office kung saan man naroon ngayon ang mga dating kawani ng gobyerno na may naiwananang bayarin sa kanilang nautang sa GSIS.

“Ang medyo bad news lang po for PRRD is hanggang June 30, 2022 na lang po ito. So if today is June 24, anim na araw na lang po iyong availment natin ng PRRD. So magmadali na po sana lahat para makapag-avail ng programang ito sa pinakamalapit na GSIS office,” wika ni Manampan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?