sk-comelec

Mga kakandidato, nagkagulo sa Comelec office sa Maynila

Sharing is caring!

Dinagsa na ang tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Maynila sa unang araw pa lang ng paghahain ng certificate of candidacy (COCs) ng mga kakandidato sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Mayo 14.

Dahil ang tanggapan lang sa Arroceros St., Ermita ang nakakasakop sa anim na distrito ng Maynila, nagdulot ito ng kalituhan at agawan sa pila ng mga kakandidato.

“Yung iba na hindi nakapila nabigyan ng number samantalang kami walang number, tama ba ‘yan? Pumila kami. Sumunod kami sa patakaran, bakit ganoon? Unfair!” ang galit na pahayag ni Tess Aquino, na tatakbong kagawad ng barangay, sa panayam sa radyo.

Kaya’t nakialam na ang mga kinatawan ng Manila Police District sa pila.

Hinarangan nila ang Lion’s Road papasok ng Comelec office para makontrol ang dami ng pumapasok na tao, maging ang mga Comelec staff ay sinubukang payapain ang mga mamamayan.

Isinara na rin ang isang bahagi ng A. Villegas St., dahil sa nagpapatuloy na paghahain ng COCs at naglagay na rin ng tolda para hindi mabilad sa araw ang ilang nakapila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?