81

Oct 12, 2020 @ 9:57
By

Mga kaanib ni Allan sisibakin si Alan sa puwesto

Hindi bababa sa 187 mambabatas ang nagpahayag ng kanilang suporta para sa pagiging House Speaker ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Nakasaad sa manifesto na pinakalat sa mga reporter ngayong Lunes, Oktubre 12, na ang mga kaalyado ni Velasco ay balak ideklarang bakante ang posisyon ni House Speaker Alan Peter Cayetano.

Sa gayon, maihahalal nilang pinuno ng Kamara si Velasco.

“Therefore, in accordance with Section 13, Rule 3 of the Rules of the House of Representatives, of the 18th Congress, we call to assemble, move to and cast our vote to declare the position of Speaker VACANT on Monday, October 12, 2020,” batay pa sa manifesto.

Ilan sa mga pumirma sa manifesto ay mga lider ng mga political party at organisadong political bloc kabilang sina Representatives Doy Leachon, Eric Martinez, Rimpy Bondoc at Joey Salceda of PDP-Laban; Isidro Ungab ng Hugpong ng Pagbabago; Jack Duavit, Mark Enverga at Wes Gatchalian ng Nationalist People’s Coalition, at Mikee Romero ng Party List Coalition.

Lumagda rin sina Buhay Party List Rep. Lito Atienza; Kristine Singson Meehan ng Northern Luzon Alliance; Kiko Benitez ng Visayas Bloc; Rufus Rodriguez ng Cagayan de Oro; Munir Arbison ng Nacionalista Party, at Raul del Mar ng Liberal Party.

Samantala, nakahanda na ang Celebrity Sports Plaza sa Quezon City kung saan nakatakdang magtipon ngayong Lunes si Velasco at kanyang mga tagasuporta.

Oktubre 6 sinuspinde ang sesyon sa Kamara ng mga kaalyado ni Cayetano, na nangangahulugang hindi mababakante ng huli ang posisyon bilang House Speaker para sundin ang term-sharing agreement nito kay Velasco.

Pero pinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte na magkasa ng special session ang Kongreso mula Oktubre 13 hanggang 16 para maipasa na ang proposed 2021 budget.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?