113

Jan 25, 2019 @ 15:36

Mga kaanak ng SAF 44, nag-rally sa DOJ

Kasabay ng paggunita ng ika-apat na anibersaryo ng Mamasapano encounter sa Tukanalipao, Maguindanao, nag-rally sa harap ng Department of Justice (DOJ) ang mga kamag-anak ng SAF 44 o ang 44 na miyembro ng PNP-Special Action Force na namatay sa sinasabing misencounter sa mga rebelde sa Mindanao.

Iginiit nila ang katarungan para sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Umapela sila sa DOJ na mabigyang hustisya ang sinapit ng SAF trooper sa kanilang special mission sa Mamasapano noong Enero 2015.

Hanggang ngayon wala pa rin kasing tuldok sa inihaing reklamo ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) at ng pamilya ng SAF 44 laban kina dating Pangulong Noynoy Aquino para sa 44 na bilang ng kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Muling inalala ng mga ito ang pag-downgrade ng Ombudsman sa kaso laban kina Aquino at sa iba pang respondents sa graft case nalang at usurpation of authority.

Pero ang nasabing hakbang ng Ombudsman ay pinigil ng Korte Suprema sa pamamagitan ng temporary restraining order (TRO).

Nag-ugat ang kautusang ito ng Korte Suprema sa manifestation na inihain ng Office of the Solicitor General (OSG) at sa petisyong inihain ng ilan sa mga kaanak ng SAF 44 partikular na nina Felicitas Nacino, asawa ni PO2 Nicky Nacino; Helen Ramacula, ina ni PO2 Rodel Eva Ramacula at ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC).

Ayon sa OSG, sa oras na matuloy kasi ang pagbasa ng sakdal, mawawalan na ng karapatan ang mamamayan na mausig sa tamang kaso sina Aquino dahil hindi na maaring maihabol ang paghahain ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide na mas akmang reklamo na dapat na naisampa sa mga akusado. / MARICEL DIAZ

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?