227

Apr 22, 2019 @ 16:33
By

Mga journalist sa ‘Oust Duterte’ matrix, malayang magsampa ng libel – Malacañang

Hindi pipigilan ng gobyerno na maghain ng kasong libelo ang mga mamamahayag na tinukoy sa matrix ng “Oust Duterte plot”.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na may demokrasya sa bansa at malaya ang sinuman na magsampa ng kaso kung inaakalang nakaladkad ang kanilang pangalan.

Pinangalanan sa isang pahayagan ang mga journalist na kasama umano sa planong pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng mga ipinakalat na fake news laban sa Pangulo at sa kanyang administrasyon.

Gayunpaman, sinabi ni Panelo na ibang usapan na kung uusad ba o hindi ang mga reklamong isasampa sa korte.

“This is a democratic country nga eh, everyone has the right to sue. But whether or not that will prosper is another story. But we will not stop anybody from filing, that’s their right,” ani Panelo.

Lumabas ngayong Lunes ang matrix na nag-uugnay sa ilang media personality at ilang grupo ng mga abogado na kabilang sa planong pagpapatalsik sa Presidente sa pamamagitan ng pagpapakalat ng pekeng balita para galitin ang publiko laban sa administrasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?