329

May 30, 2018 @ 11:32
By

Mga isla ng Pilipinas, kumpleto pa rin – Esperon

“We have not lost any island.”

Ito ang sinabi ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., sa kanyang pagharap sa Kapihan media forum sa Manila Bay.

Kasabay nito ay nanindigan si Esperon na hindi inaabandona ng gobyerno ng Pilipinas ang ruling ng Permanent Court of Arbitration sa isyu ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.

Gayunman, inamin ng opisyal na isinantabi na muna ng pamahalaan ang desisyon na ito para isulong ang kapayapaan, stability, at maayos na relasyon sa mga claimant countries tulad ng China.

Sa tanong naman kung handa ba ang Pilipinas na makipaggiyera sa China na ngayon ay patuloy na nagsasagawa ng militarisasyon sa South China Sea, sinabi ni Esperon na “last option” ng bansa ang giyera, ito ay kung ipo-provoke na aniya ang gobyerno.

Pero naniniwala ang opisyal na hindi ang Pilipinas ang target ng China sa militarisasyon dahil hindi naman daw tayo nakikipaggiyera sa kanila.

Iginiit din nito na may isinampa nang diplomatic protests ang Pilipinas sa mga aktibidad ng China subalit hindi lang aniya nagiging maingay.

Sa kasalukuyan ay nagpapatupad na ang Pilipinas ng upgrading sa Pag-Asa Island para protektahan ang karapatan partikular na ng mga residente sa isla.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?