18

Nov 11, 2020 @ 19:21
By

Mga ice pick na gawa sa timba nakumpiska sa Bilibid

Matapos ang ikalawang madugong riot sa New Bilibid Prison noong Lunes ay nadiskubre ng mga awtoridad ang iba’t ibang armas sa kulungan.

Ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) spokesperson Gabriel Chaclag, nakasabat ang mga awtoridad ng dalawang baril na may magazine pero walang bala na nakatago sa kisame ng selda.

Nakahalungkat din ng mga ice pick na ginawa mula sa timba at blade na gawa naman sa mga bakal ng kama.

Aminado ang BuCor na kahit araw-araw ang paghalughog nila sa kulungan ay hindi nila kayang matanggal lahat ng mga armas sa Bilibid.

“Hindi po talaga maiiwasan na dumami at gagawa pa rin sila ng armas kasi may mga part ng building naman na rehas, at hindi man kaagad nila makukuha ‘yun, by every day na lumilipas, pakonti-konting lagari, makukuha din nila ‘yun after some days or after some months, at ginagawa nilang armas,” paliwanag ni Chaclag sa Kapihan sa Manila Bay online news forum nitong Miyerkoles.

Inamin din ni Chaclag na nakakapagtago rin ng cellphone ang mga inmate at may internet connection pa.

“We have to accept it, hindi naman namin ikinakaila ‘yun. Kaya nga po araw-araw sustained talaga ‘yung aming search operations. Very organized po ‘yung criminal groups dito sa loob,” dagdag niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?