87

Nov 4, 2018 @ 22:03
By

Mga hukom na nasangkot sa kontrobersiya noong 2013 PJA election pinanagot ng SC

Matapos ang limang taon, pinatawan na ng Korte Suprema ng administratibong pananagutan ang apat na hukom na nasangkot sa kontrobersiya noong 2013 elections na mga opisyal ng Philippine Judges Association (PJA).

Sa desisyon ng Korte Suprema na may petsang September 25, 2018, kasama sa mga pinanagot sina Manila Regional Trial Court (RTC) Judge Lyliha Aquino; Quezon City RTC Judge Ralph Lee; Binan, Laguna RTC Judge Mariano Rubia at Makati RTC Judge Rommel Baybay.

Ang apat ay kumandidato sa eleksyon ng PJA noong 2013.

Sina Lee at Rubia ay pinagbabayad ng P21,000 na multa dahil sa paglabag sa Section 4(a) ng Guidelines on the Conduct of Elections of Judges Association.

Ito ay dahil sa pamamahagi ni Lee ng mga campaign material gaya ng kalendaryo, poster at tarpaulin, habang si Rubia naman ay namahagi ng bag, sumbrero at T-shirt.

Pinagmumulta naman si Baybay ng P30,000 dahil sa paglabag sa Section 4(a) at 4(d) ng nasabing panuntunan nang mamahagi siya ng cellphone bilang paprempyo sa raffle noong panahon ng kampanya para sa PJA elections at pagbibigay ng 25-percent na diskwento para sa hotel na tutuluyan ng ilang hukom.

Si Aquino naman ay pinagsabihan lamang ng korte dahil sa pag-book ng hotel accommodation ng mga hukom na dadalo sa PJA convention at elections.

Paalala ng Korte Suprema, mahalaga na tumalima ang mga hukom sa panuntunan para sa judges’ association dahil sila ang dapat na maging ehemplo ng mga kapwa hukom.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?