158

Jul 29, 2021 @ 11:10
By

Mga hindi bakunadong pagala-gala, bitbitin pabalik sa bahay! – Duterte

Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal ng barangay at mga pulis na huwag pabayaang pagala-gala ang mga hindi pa bakunado at ayaw magpabakuna laban sa COVID-19.

Sa harap ito ng ulat na mayroon pa ring mga Pilipino na nagmamatigas magpabakuna sa kanila ng nakaambang banta ng Delta COVID variant sa bansa.

Sa kanyang Talk to the People, pinagsabihan ng Pangulo ang mga ayaw magpabakuna na huwag lumabas ng bahay at maging walking spreader dahil aatasan niya ang mga otoridad na ibalik ang mga ito sa kanilang mga bahay.

“Itong ayaw magpabakuna, sinasabi ko sa inyo huwag kayong lumabas ng bahay kasi pag lumabas kayo ng bahay, sabihin ko sa mga pulis ibalik ka doon sa bahay mo. You will be escorted back to your house because you are a walking spreader,” anang Pangulo.

Tungkulin aniya ng mga kapitan ng barangay na mag-ikot sa kanilang lugar at alamin kung sino ang mga bakunado at hindi, at pagsabihang huwag lumabas dahil sila ang magkakalat ng virus sa ibang kalugar.

Aminado si Pangulong Duterte na walang batas na nagbabawal sa paglabas ng mga hindi bakunado subalit hindi na niya hihintayin pang magkaroon ng batas dahil mas marami ang mamamatay kung hindi gagawa ng hakbang.

Sinabi ng Pangulo na sagot niya ang mga lokal na opisyal na madedemanda o mairereklamo ng mga pasaway na mamamayan .

“Iyan ang utos ko, ibalik ka doon sa bahay mo. Iyan ang utos ni mayor. Kung magdemanda ka balang araw, idemanda mo siya. Harapin ko yan.I assume full responsibility for that. Mahirap iyang ano na style ng iba,” dagdag ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?