724

Dec 28, 2017 @ 11:41

Mga hiling sa Bagong Taon

By Francis Tolentino

 

Tunay na nana­nabik ang lahat sa tuwing sasapit ang Pasko at Bagong Taon. Lahat ay labis na nagagalak sa pagdiriwang ng mga okasyong ito. Sino nga ba ang hindi matutuwa? Paparating na ang Bagong Taon, isang bagong simula!

Ang paghiling na matupad ang ating mga ninanais sa buhay ay hindi lamang para sa mga nakababata. Kahit ang mga matatanda ay mayroon ring kanya-kanyang hiling na nais nilang matupad – ­para sa sari­li, sa pamilya, sa mga kaibigan, maging para sa bayan.

Ako rin ay may mga sariling kahilingan ngayong ­Pasko at sa papalapit na Bagong Taon para sa Pilipinas.

1. Aking idinadalangin ang mabilis at maagap na pagbangon ng Marawi, lalong-lalo na ang kalooban ng mga biktima na nasadlak sa kawalan ng pag-asa. Nawa ay makita nila ang liwanag at maka­hanap sila ng lakas at inspirasyon mula sa umaapaw na suporta ng kapwa nila Filipino.

2. Aking idinada­langin na magkaroon ng labis na kaligayahan ang mga pamilya ng ating mga baya­ning OFW.

3. Aking idinada­langin ang tunay at panghabang-buhay na kapayapaan sa Min­danao.

4. Aking idinada­langin ang masaganang ani para sa ating mga magsasaka nang sa ganoon ay magkaroon ng sapat para sa kanilang mga pamilya at ng labis na maaari nilang ibahagi sa atin at sa kanilang sarili-sariling komunidad.

5. Aking idinada­langin na magkaroon ang kabataan ng malalim na pag-unawa at malawak na pag-­iisip upang sila ay maging instrumento ng tuloy-tuloy na pag-unlad ng ating bansa. Nawa ay makahanap sila ng inspirasyon sa mga magagandang halimbawang ipinamalas ng mga nauna sa kanila at sana ay magkaroon sila ng matatag na paniniwala sa Panginoon.

6. Aking idinadala­ngin na magkaroon ng panibagong lakas at walang humpay na sigla ang ating mga senior citizen. Nawa ay makatanggap sila ng pagkalinga at pagmamahal mula sa mga taong pinag-alayan nila ng kanilang pagod at buhay.

7. Aking idinadala­ngin na proteksyunan tayo ng Poong Maykapal sa mga kalamidad at sakuna. Sana ay hindi mawala ang mga ngiti at ang pag-asa ng bawat Filipino kahit ano pa mang klaseng ha­mon ang ating pagdaanan kagaya ng mga bagyong Urduja at Vinta.

8. Bilang panghuli, aking idinadalangin na manatiling matatas at matiyaga ang ating mahal na Pangulong Rodrigo Duterte sa pamumuno sa ating ba­yan tungo sa positibong pagbabago. Nawa ay patuloy na bigyan siya ng walang sawang suporta at pagmamahal ng mamamayang Filipino.

At sa inyong lahat, aking idinadalangin ang isang masagana at mapagpalang Bagong Taon! Nawa’y mabiyayaan tayong lahat ng panibagong pag-asa at kalakasan upang harapin ang mga paparating pang mga ­taon ng ating buhay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?