24

Jul 23, 2021 @ 14:53
By

Mga healthcare supply manufacturer isalba sa ‘tax variant’ – Imee Marcos

Dapat protektahan ang mga lokal na manufacturer ng personal protective equipment (PPE) at iba pang mga medical supply sa ‘tax variant’ ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na ipinalabas noong Hunyo, ayon kay Senadora Imee Marcos.

Tinukoy ni Marcos ang BIR Regulation 9-2021 na bumawi sa 12% value added tax (VAT) exemption sa pagbebenta ng mga raw material, packaging supplies at iba pang serbisyo sa mga export-oriented manufacturer kabilang ang critical healthcare supplier.

“Ang pagbabagong ito sa tax regulation ay nagbabantang ibalik sa kritikal na sitwasyon ang mga exporters na nagrerekober na sana,” ayon sa senadora.

Sabi ni Marcos, chairman ng Senate committee on economic affairs, ang mga garment exporter na nagawang makaahon sa dagok ng COVID-19 pandemic nang palitan nila ang paggawa ng mga damit ng mga PPE, surgical masks at iba pang medical good.

Subalit ang kanilang kakarampot na kita na mas mababa pa sa 5 percent ay tuluyang mawawala dahil sa bagong BIR regulation na nagpapatupad ng 12 percent VAT.

Mahigit sa isang taon na nang itulak ni Marcos ang tax exemptions para sa mga lokal na mga gumagawa ng mga critical healthcare products tuwing may pandemya o health emergency, na nakapaloob sa kanyang inihaing Senate Bill 1708 o ang ‘Healthcare Manufacturing and Pandemic Protection Act’.

Hindi lang makakahikayat sa mga foreign investor ang panukala ni Marcos, bagkus makatutulong pa ito para mapanatili ang mga lokal na trabaho sa bansa.

Dagdag ni Marcos, kapag tumaas ang pangangailangan sa panahon ng health emergency, maoobliga ang mga exporter sa mga special economic zone na gumawa ng 80 percent ng kanilang mga produkto para sa local sales na maisasama naman sa kanilang export sale requirement sa ilalim ng patakaran ng gobyerno. 

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?