17

Sep 10, 2021 @ 9:25
By

Mga hayok sa dating app binalaan ng POEA

Binalaan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang publiko lalo na ang aktibo sa online dating apps dahil ginagamit umano ito ng mga illegal recruiter.

Ayon sa news release na inilabas ng POEA noong Agosto 27, nakatanggap sila ng mga ulat mula sa ilang indibidwal na inalok umano ng migration at trabaho sa US at Canada gamit ang online dating apps.

Babala ng POEA, gaya ng ibang makikilala sa dating app, kukunin ng mga scammer ang loob ng kanilang biktima hanggang sa alukan nila ang mga ito ng migration o trabaho sa ibang bansa.

Para maging kapani-paniwala, magpapadala pa ang mga ito ng pekeng kontrata at company profile.

At kapag tiwala na ang mga scammer na napaniwala na nila ang biktima ay hihingan na nila ito ng bayad para sa mga kaukulang dokumento.

Dapat umanong maging senyales ng illegal recruiter o scam sa publiko kapag nanghihingi agad ito ng bayad na ipapadala via electronic transfer bago pa man may mangyaring transaksyon.

Inabisuhan din ng POEA na isumbong sa kanila sakaling may makilalang scammer sa dating apps.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?
Tags: ,