94

By

Mga gusto yumaman, ‘wag pumasok sa gobyerno – Palasyo

Sharing is caring!

Pinayuhan ng Malacañang ang mga gustong yumaman at mga nais maging jetsetter na huwag ambisyuning pumasok at magtrabaho sa gobyerno.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque na malinaw ang patakaran ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging simple at huwag magkamaling mangurakot sa gobyerno.

Hindi aniya mangingimi ang Pangulo na sibakin sa puwesto ang mga mapapatunayang gumagawa ng pagsasamantala gamit ang pondo ng gobyerno.

Patunay aniya dito ang mga sunod-sunod na pagsibak sa mga presidential appointee nito, kung saan buwenamano ngayong Enero 2018 ay ang administrador ng Maritime Industry Authority (MARINA) na si Marcial Amaro III.

“Kung nagnanais po kayong yumaman, kung nagnanais kayong bumiyahe, huwag na po kayong magtrabaho sa gobyerno, nandiyan naman po ang pribadong sektor,” ani Roque.

Wala aniyang kaduda-duda na seryoso ang Presidente sa kampanya laban sa korapsiyon.

Sinabi pa ng kalihim na inaasahang marami pang masisibak sa puwesto sa mga susunod na araw,karamihan aniya dito ay mula sa Philippine National Police (PNP) at tinatapos na lamang ang imbestigasyon sa mga nakatakdang sibaking opisyal. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?