92

Nov 17, 2017 @ 17:50

Mga gurong Navoteño, natututo ng online child protection

Humigit-kumulang 150 na mga guro sa pampublikong elementarya at sekundarya sa Navotas ang natuto kung paano malaman, mapigilan at matugunan ang pang-aabuso sa bata at pang-aapi online.

Sumailalim ang mga guro sa Capability-Building Seminar on Child Safeguarding and Online Safety na nagtalakay ng iba’t ibang anyo ng pang-aabuso sa bata, kasama na ang cyberbullying.

Ang Navotas City Schools Division Office (Navotas City SDO), sa pakikipagtulungan sa Navotas City Council for the Protection of Children (NCCPC), ang nanguna sa training na ito para matugunan ang isyu ng cyberbullying sa mga estudyante.

Ayon sa Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (ACG), 70.74% ang itinaas sa mga kaso ng cyberbullying noong 2016.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor John Rey Tiangco ang pangangailangan na bigyan ng pagsasanay ang mga guro tungkol sa online child protection.

“Dahil madali na ngayong iaccess ang internet, kahit mga bata ay may social media accounts na at madali silang naaabuso dahil sa kanilang pagiging inosente. Bilang nakatatanda, responsibilidad natin na protektahan sila sa anumang kapahamakan,” aniya.

“Kumpara sa ibang anyo ng pang-aapi, mas mapanganib ang cyberbullying. Sa tipikal na pambubully, natatapos ang pang-aapi kung nawawala na ang kontak ng nambubully at binubully. Pero ang cyberbullying, pumapasok sa mga tahanan, umaabot kahit libong milya ang distansya, at nagiging target pati ang mga bata,” dagdag pa niya.

Ang Navotas City SDO, sa suporta ng NCCPC, ay nagsagawa rin ng Seminar on Child Labor Awareness for Parent-Teacher Officers sa lahat ng pampublikong paaralan. Nagkaroon din ito ng roll-out seminar para makilala ang mga magulang ng mga batang manggagawa.

Nakatanggap ang Navotas noong Agosto ng 2016 Seal of Child-Friendly Local Governance (SCFLG) dahil sa mga sustenableng programa at proyekto nito na nagsusulong sa kapakanan ng mga bata.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?