20

Feb 17, 2021 @ 15:46
By

Mga gov tutol sa face to face class, bukas sinehan

Hindi pa umano panahon para magsagawa ng face to face class kahit sa mga low-risk area lalo na’t may bagong variant din ng coronavirus, ayon sa League of Provinces of the Philippines (LPP), isang samahan ng mga gobernador sa bansa.

“Kami po ay opposed diyan sa face-to-face ng mga bata. Alam n’yo po, napakahirap kontrolin ‘yung mga bata. At alam n’yo po dito, ang transmission [ng novel coronavirus] ay nangyayari sa bahay-bahay. Kahit po ‘yung mga bata ay nai-infect,” paliwanag ng presidente ng LPP na si Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr., sa isang panayam sa radyo.

“Eh natatakot po kami diyan. Hindi pa po panahon ‘yang face-to-face dito sa atin dahil masama pa po ‘yung paghawa, ‘yung transmission,” dagdag niya.

Tutol din silang ibaba ang age restriction para sa mga authorized persons outside residence o APOR at maging sa pagbubukas ng mga sinehan.

Aniya, hindi maaaring isama ang 5-anyos pataas sa mga APOR dahil galawgaw ang mga bata at hindi makakayang kontrolin.

Dagdag niya, kahit kasama ng mga ito ang kanilang magulang ay nasa panganib naman na mahawa ng virus.

“Mga hanggang 12 years old, ‘yan, puwedeng ibaba. Puwede pong ibaba hanggang 12 years old. Below that, huwag na muna ho at dadami lang ho ‘yung mahahawa,” ani Velasco.

Sa pagbubukas naman ng mga sinehan ay hindi rin maaari dahil mahigit isang oras ang itatagal ng mga tao roon at hindi ito open area.

“Opposed din po kami doon dahil sa sinehan po ay more than an hour diyan eh at enclosed po ‘yan, umiikot ang ere,” aniya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?