25

Jul 19, 2021 @ 10:29
By

Mga fan nalito sa TV coverage ng PBA, Marcial nag-sorry

Humingi ng paumanhin si PBA Commissioner Willie Marcial dahil sa magulong schedule ng pagpapalabas ng mga laro sa TV at livestream.

Ito’y matapos na hindi ipalabas ang dalawang laro noong Sabado, Terrafirma vs TNT at Magnolia vs Phoenix, sa ONE Sports, at tanging napanood lamang ito sa PBA Rush na isang cable channel.

Paliwanag ni Marcial, kanilang ibinigay ang kanilang timeslot para sa Premier Volleyball League (PVL) para makatulong din sa ibang sport.

“Kinausap naman ako ni [Cignal] vice-president Sienna Olaso kung pinapayagan natin ang volleyball para makuha naman ‘yung time slot natin, Um-oo agad ako kasi gusto natin na makatulong tayo sa ibang sports,” ayon kay Marcial.

Dismayado rin ang ilang sports fan dahil hindi napapanood ang karamihan ng laro sa TV5.

Ayon kay Marcial, dalawang laro tuwing Miyerkoles, Biyernes at Linggo lang ang kanilang kontrata sa PBA kaya sa ONE Sports pinapalabas ang iba nilang laban.

“Ginagawa naman po ng lahat ng TV5 na mapalabas din ‘yung ibang games na wala na sa oras natin. Humihingi po ako ng pasensya pero ‘yun po ang usapan namin ng TV5,” sambit pa ni Marcial.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?