202

Jun 6, 2018 @ 12:31
By

Mga estudyante, ginagamit ng mga sindikato ng droga – NCRPO chief

Ibinunyag ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Chief General Guillermo Eleazar na karamihan ng drug syndicates ay ginagamit ang mga estudyante sa kalakaran ng iligal na droga.

Sa ginanap na media forum sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Eleazar na kadalasan sa loob pa mismo ng mga eskuwelahan nag-uumpisa ang paggamit ng droga.

Inihalimbawa pa ni Eleazar noong siya pa ang namumuno sa Quezon City Police District kung saan may mga guro na humihingi ng tulong sa pulisya dahil mayroong umanong mga estudyante na nagbebenta ng droga at napatunayan ito sa nakumpiskang 20 sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana sa loob ng bag ng isang mag-aaral sa QC.

Ang nakababahala pa aniya ay patuloy na tumataas ang bilang ng mga naarestong suspek na sangkot sa kalakaran ng ipinagbabawal na gamot.

Paliwanag ni Eleazar, madalas puntirya ng mga sindikato ng droga ang mga menor de edad dahil bihira ang mga itong mapaghinalaan na sangkot sa paggamit at pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.

Samantala, inihayag naman ng opisyal na 44,000 drug suspect na ang naaresto sa NCR at mahigit 200,000 ang sumuko at sumailalim sa drug rehabilitation program.

Ang bilang na ito, ayon kay Eleazar, ay wala pa sa kalahati ng mga sangkot sa droga na kailangang supilin ng mga pulis.

Dahil dito mahalaga aniya ang community-based intervention para sugpuin ang paglaganap ng iligal na droga.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?