60

Jun 21, 2018 @ 14:31
By

Mga establisyimento sa Boracay, kumonekta na sa sewer system – solon

Hiniling ng pamunuan ng Boracay Water sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na pilitin na ang mga establisimyento at maging ang mga bahay sa Boracay na kumunekta sa kanilang sewer system.

Sa pagdinig ng House committee on natural resources, sinabi ni Boracay Water chief operating officer Joseph Michael Santos na dapat gawin na ito ngayon habang sarado pa ang isla.

Hindi anya nila kakayanin kung biglang dadagsa ang kokonekta sa kanilang pasilidad kapag malapit na ang takdang pagbubukas muli ng isla sa October 26.

Ayon kay Santos, 51% lamang ng 1,844 na commercial accounts sa Boracay ang konektado sa kanilang sewer system habang 5% lamang ng 4,400 household ang nakakonekta dito.

Kaugnay nitoý iginiit ni Aklan Rep. Carlito Marquez sa DENR na obligahin ang mga hotel sa Boracay na magkaroon ng sariling portable sewerage treatment plants (STPs).

Pero sabi ng Boracay Water, baka hindi na kailanganing bumili ng STPs ng mga establisyimento kung magagawa ng mga ito na kumunekta sa sewer system.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?