103

Feb 3, 2019 @ 12:48

Mga establisyamentong tumatalima sa drug-free policy, nadaragdagan

Malaking bilang ng mga pribadong establisyamento sa bansa ang tumatalima sa drug-free policy sa mga lugar ng paggawa.

Ayon sa Bureau of Working Conditions ng Department of Labor and Employment (DOLE), mula sa 59,380 na establisyamentong nainspeksyon ng DOLE, lumalabas na 57,837 o 97.4 percent ang tumalima sa drug-free policy.

Ang panuntunan ay nakasaad sa Department Order No. 53-03 o Guidelines on the Implementation of a Drug-Free Workplace ng DOLE.

Alinsunod sa kautusan, sasailalim sa random drug testing ang mga empleyado sa pribadong sektor, kabilang na ang kanilang kontraktor at mga concessionaire.

Ang Region 10 umano ang nagtala ng 100 percent compliance rate kung saan ang lahat ng 2,731 na nainspeksyong establisimyento ang nagnegatibo sa droga.

Ang iba pang establisimyento na nagtala ng mataas na compliance rate ay ang Cordillera Administrative Region na may 99.9 percent; Western Visayas na may 99.9 percent; Ilocos Region na may 99.4 percent, at Bicol Region na may 98.9 percent.

Ang Southern Tagalog naman ay may 97.9 percent compliance rate; ang Southern Tagalog ay 97.9 percent; National Capital Region ay 97.8 percent; MIMAROPA ay 97.8 percent; at Davao Region, 97.7 percent.

Sa ilalim ng nasabing panuntunan ng DOLE, sakaling may empleyadong magpopositibo sa droga sa kauna-unahang pagkakataon, dapat na sila ay maisailalim sa treatment o drug rehabilitation sa mga accredited center ng Department of Health (DOH).

Pagkatapos ng rehabilitasyon, irerekumenda ng assessment team ng kumpanya kung maari nang pabalikin ang manggagawa sa trabaho at kung hindi na siya banta sa mga kapwa empleyado o sa lugar ng trabaho.

Pero kung matutuklasang naulit ang paggamit niya ng droga, mahaharap siya sa kaso sa ilalim ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act at maari ring maging batayan para sibakin sa trabaho. (MARICEL DIAZ)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?