91
Panagbenga Festival 2019

Mga ‘Epalitiko’ bawal sa Panagbenga Festival

Muling nagpaalala ang mga Panagbenga organizer at opisyal na bawal ang pamomolitika sa panahon ng pagdiriwang ng Panagbenga sa Baguio City.

Ayon kay Baguio City Mayor Mauricio Domogan, sinimulan na kahapon ang unang street dancing parade bilang panimulang araw ng Panagbenga Festival at naging matagumpay naman ang parada na kung saan ay walang mga nagkalat na politiko sa paligid.

Paliwanag ni Domogan na hindi mawawala ang mga politiko sa kasagsagan ng Panagbenga subalit sana ay matuto silang sumunod sa mga alituntunin na ipatutupad ng mga organizer.

Una nang nagbigay ng babala ang pamunuan ng Panagbenga na bawal na lumahok sa parada ang sinumang politiko na kasama sa May 2019 elections at iwasan ang paggawa ng eksena sa panahon ng kasiyahan.

Kabilang sa tinutukoy ng mga organizer ng Panagbenga ay ang pamamahagi ng campaign materials na kung saan ay kalat ng basura ang inabot matapos ang parada.

Matatandaang nahinto ang float parade noong nakaraang bago mag-eleksyon nang umepal ang dalawang kandidato na taga-Norte na mariing tinututulan ng mga organizer.

Samantala, magaganap ang grand street dancing parade sa Marso 2 habang ang grand float parade ay sa Marso 3 para sa pagtatapos ng Panagbenga Festival. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?