36

Mga empleyado ng DA, pinauwi na ni Piñol

Hindi na hinintay ng pamunuan ng Department of Agriculture (DA) ang abiso mula sa Malacañang kung magsususpinde ng pasok ngayong Biyernes dahil sa malakas na pag-ulan sa Metro Manila.

Pinauwi na ni Agriculture Sec. Manny Piñol ang mga empleyado ng kagawaran at sinuspinde ang pasok sa ahensiya epektibo alas-12:00 ng tanghali.

Sa inilabas na memorandum ni Piñol, ibinase nito ang naging hakbang sa inilabas na advisory ng PAGASA kaugnay sa low pressure area (LPA) na nagpalakas sa habagat at ang inaasahang magiging epekto ay flashfloods at landslides sa Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, CAR at ilang bahagi ng Ilocos Region at Central Luzon.

“Office work is hereby suspended on August 2, 2019 (Friday) at 12 noon to give ample time to prepare and to ensure safety of DA officials and employees as well as their respective families,” nakasaad sa memo ni Piñol.

Pinayuhan din ng kalihim ang lahat ng kawani at opisyal ng kanyang ahensiya na magpatupad ng precautionary measures para sa kanilang pamilya dahil sa posibleng idulot na peligro ng LPA.

Naghihintay naman ang ibang mga kagawaran ng gobyerno kung magpapatupad ang Malacañang ng suspensyon ng trabaho subalit wala pa ring ipinapalabas na anunsiyo ang tanggapan ni Executive Secretary Salvador Medialdea. (aileen taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?