15

Oct 30, 2020 @ 13:43
By

Mga embahada ng ‘Pinas kabitan ng CCTV – Zubiri

Iminungkahi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na lagyan ng CCTV cameras ang lahat ng tanggapan at tirahan ng mga ambassador ng Pilipinas saanmang panig ng mundo para maiwasan ang pag-abuso tulad ng nangyari sa Pinay domestic helper sa kamay ng kanyang amo sa Brazil.

“Lagyan ng CCTV lahat ng tahanan, of course except the bathroom and bedrooms… para sa ganoon ay makita natin itong pangyayari,” pahayag ni Zubiri sa panayam sa CNN Philippines.

“Online naman ang mga CCTV ngayon, it’s all in the cloud. If they make a mistake they can no longer erase it,” dagdag nito.

Ginawa ni Zubiri ang suhestiyon matapos bumandera sa mga balita ang diumano’y ginawang pagmaltrato ni Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro sa kanyang Pinay na kasambahay na nakita sa video.

Pinauuwi na ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Pilipinas ang nasabing ambassador.

Ayon kay Zubiri, hindi na magsasagawa ng imbestigasyon ang Senado dahil inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang DFA na magsagawa ng imbestigasyon sa insidente.

Sabi pa nito, “black eye” sa DFA ang nangyaring pag-abuso ni Mauro sa kapwa niya Filipino na nangyari pa sa ibang bansa.

“It’s a bit of an international incident against us, against the Filipinos and a black eye to the Foreign Affairs department,” sabi Zuburi.

“Baka gamitin pa nila ‘yan at sabihin o mga abusador din ang mga tao ninyo,” saad pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?