11

Apr 25, 2021 @ 13:39
By

Mga dumalo sa b-day pantry ni Angel may libreng swab test

Hinikayat ng Quezon City ang mga pumunta sa community pantry ni Angel Locsin na sumailalim sa libreng COVID-19 swab test ng lungsod.

Ang mga residente at fan ni Angel na dumagsa sa birthday pantry noong Biyernes sa Titanium Building, Barangay Holy Spirit at nakararanas ng ubo, trangkaso, at iba pang sintomas ng coronavirus ay marapat lang na magpa-test, ayon kay Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit chief Dr. Rolando Cruz.

“Hindi natin pwedeng isantabi ang posibilidad na nagkahawahan dahil sa dami ng dumalo. Mabuti nang makasiguro na hindi natin mahawahan ang ating pamilya at mga kasama sa komunidad,” aniya pa.

Sinumang apektadong residente ay pwedeng mag-book ng appointment sa http://bit.ly/QCfreetest, o tumawag sa alinmang contact tracing hotline ng QC: 8703-2759, 8703-4398, 0916-122-8628, 0908-639-8086, o 0931-095-7737.

Samantala, umapela si QC Mayor Joy Belmonte sa aktres na makipagtulungan, habang pinupuri ang huli sa tulong nito sa lungsod.

“Nananawagan ako kay Angel na makiisa sa hakbang ng lungsod na matugunan ang posibleng pagkalat ng Covid-19 sa pamamagitan ng maagang pagtukoy sa mga bagong kaso, lalo na sa hanay ng mga nagpunta sa community pantry na kanyang inorganisa,” banggit niya pa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?