33

Mar 13, 2020 @ 15:41
By

Mga DOT employee 4 araw lang ang pasok kada linggo

Inimplementa na kahapon ang “four-day workweek” para sa mga tauhan ng Department of Tourism (DOT).

Ayon sa Department Order No. 2020-21, mula Lunes hanggang Huwebes lang ang pasok ng lahat ng mga regular na empleyado ng DOT, maging mga contract of service o job order personnal sa DOT Central Office at mga regional office.

‘Di bababa sa 10 oras ang dapat masakop na trabaho kada araw ng mga tauhan o nasa 40 oras kada linggo. Magkakaroon din sila ng 30-minutong arawang pahinga.

Wika ni DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat, alinsunod sa ito sa Proclamation No. 22 o ang deklarasyon ng state of public health emergency, na layong makontrol ang paglaganap ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.

Bilang pagsunod din aniya ito sa Tourism Act na nagsasabing dapat isulong ang physical, social, at spiritual well-being ng mga kawani ng DOT.

“[A] four-day workweek will subject DOT employees to less frequent public exposure, especially those who commute daily, thus decreaasing the risk of transmission of COVID-19,” ayon sa utos.

Gayunman, pananatilihin pa rin ang skeletal workforce tuwing Biyernes sa limang yunit ng ahensiya: 1) accreditation sa mga regional office, 2) tourist info desk sa mga regional office, 3) tourism info center, 4) general services division, at 5) project investment and evaluation division.

Pwede ring magkaroon ng shifting scheme para sa mga empleyado sa frontline services.

Ang mga kawaning kabilang sa skeletal workforce at magtatrabaho nang higit 40 oras kada linggo ay may karapatang makinabang sa overtime pay.

Epektibo ang kautusan mula kahapon, Marso 12, 2020, at magtatagal ito hangga’t nakasailalim ang Pilipinas sa state of public health emergency.

Sa ngayon, 52 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?