216

Jan 29, 2019 @ 14:43
By

Mga doktor lumusob sa Senado, buwis sa sigarilyo pinatataasan

Hiniling sa Senado ng iba’t ibang samahan ng mga doktor na dagdagan ng P90 ang buwis na ipinapataw sa kada pakete ng sigarilyo.

Nagsagawa sila ng rally sa harap ng gusali ng Senado at dumagsa rin sa pagdinig dito ukol sa panukalang dagdag na buwis.

Sinabi ni Dr. Dante Morales, founding president ng Philippine Society of Hypertension at medical director ng Manila Doctors Hospital, na kailangang itaas ang buwis para tumaas ang presyo at marami ang mapatigil sa bisyong ito.

Binigyang-diin na ang paninigarilyo ang sanhi ng pagkakasakit sa baga at puso at 35% ng mga namamatay ay dahil sa atake sa puso at stroke na dulot ng bisyo.

Bukod dito, kailangan din umano ng buwis mula sa sigarilyo para ipampondo sa Universal Health Care Bill na naghihintay na ng lagda ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa Sin Tax Coalition, kapag itinaas sa P90 ang buwis ng kada pakete ng sigarilyo, 3.78 milyon ang titigil sa paninigarilyo at makakalikom ang gobyerno ng P90 bilyon.

Kung gagawin namang P60 ang dagdag na buwis sa sigarilyo, mababawasan ng 2.36 milyon ang naninigarilyo at P60 bilyon ang madaragdag na kita ng gobyerno mula sa buwis.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?