82

Apr 10, 2021 @ 19:31
By

Mga doktor binabantaang kikidnapin dahil sa Ivermectin isyu

Nakakatanggap ng mga pagbabanta ang ilang doktor kaugnay sa kontrobersiyal na gamot na Ivermectin.

Sinabi ni Melbert Reyes, pangulo ng Philippine Nurses Association, sa Abante Radyo Tabloidista na may mga nababasa siya sa kanilang chat group ng screenshots ng pagbabanta sa kanilang mga kasamahang doktor.

Nais umano ng mga nagbabanta na gamitin na ang Ivermectin sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19 dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso sa bansa.

“Nakakatakot kasi may mga kababayan tayo na tinatakot ang mga doktor na kikidnapin because of the issue ng Ivermectin. ‘Yung hindi agad pagsunod sa paggamit ng Ivermectin,” ani Reyes.

Hindi aniya basta-basta magagamit ang kontrobersiyal na gamot dahil may prosesong dapat na pagdaanan ito, bukod pa sa hindi pa ito inaaprubahan ng Food and Drug Administration para gamitin sa mga pasyenteng may COVID-19.

Hindi aniya nito maintindihan kung bakit binabantaan ang mga doktor gayong ang paggamit nito ay nakasalalay sa desisyon ng FDA pati na rin ng World Health Organization .

“Di ba galit na galit tayo sa Dengvaxia before tapos heto na naman tayo, gusto agad-agad it’s because may nag-present. Marami nang death threats ‘yung mga doktor natin,” dagdag ni Reyes.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?