12

Jul 22, 2020 @ 16:33
By

Mga ‘di nakasuot ng mask pwedeng makulong nang 1 buwan

P5,000 multa o pagkakakulong nang 30 araw ang posibleng maximum na parusa sa sinumang lalabas ng bahay nang hindi nagsusuot ng face mask.

Ito ang napag-usapan ni Interior Secretary Eduardo Año at ng mga lokal na opisyales, matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa awtoridad na huwag mag-alinlangang posasan ang mga taong lalabag sa naturang health protocol.

“Magkakaroon na kami ng uniform implementation kung papaano ipapatupad ‘yung health standards… number of days in prison kapag nag-violate ka ng hindi pagsuot ng mask. We suggest 10 to 30 days, physical distancing also 10 to 30 days imprisonment,” wika ng kalihim sa isang pre-SONA forum at press conference, Miyerkoles.

“Kung ikaw naman ay ipa-fine, it’s about P1,000 to P5,000. So ‘yan ‘yung magiging uniform implementation natin,” dagdag niya.

Matatandaang inutos ni Duterte sa kapulisan na “hulihin talaga” ang mga hindi magsusuot ng face mask sa labas para mabigyan umano ang mga ito ng “lesson for all time”.

Dapat din aniyang magsimula sa mga lokal na opisyal ang mahigpit na patakaran.

Samantala, lumabas sa pag-aaral ng Imperial College of London na 91 percent ng mga Pilipino ang laging nagsusuot ng face mask kapag lalabas ng bahay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?