11

Mar 4, 2021 @ 10:46

Mga ‘di health worker na pa-VIP sa bakuna, iimbestigahan

Ayon sa Department of Health, sisiyasatin nila ang pagbabakuna kontra coronavirus ng ilang hindi medical frontliner, gaya ng ilang politiko.

Magugunitang healthcare workers ang una sa priority list ng gobyerno sa COVID-19 vaccination program nito.

“Aalamin natin, papa-investigate natin. ‘Yun ang gagawin natin to find out,” ani DOH Secretary Francisco Duque III sa isang ulat.

“Kasi nga, lagi ko namang sinasabi na ang bakuna nga natin para sa healthcare workers, kinakailangan 3.4 million doses. Eh 600,000 lang yung dumating, so 17 percent lang, so kulang.”

“So talagang dapat ating sundin yung prioritization formula,” aniya pa.

Napaulat na tumanggap na ng bakuna sina Interior Undersecretary Jonathan Malaya, Pasay City Vice Mayor Noel Boyet Del Rosario, at MMDA Chief of Staff Michael Salalima.

Naturukan na rin si Manila Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan na isa ring doktor, at si Quezon Representative Helen Tan na ang anak ay isang doktor sa Veterans Memorial Medical Center.

Bukod sa healthcare workers, pwede ring mabigyan ng bakuna ang tatlo nilang benepisyaryo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?