167

May 9, 2019 @ 16:35

Mga Dean of Law, iba pang abogado, suportado si Diokno

“Dapat, mayaman man o mahirap, pag may sala, may parusa,” Yan ang sinabi ng mga ginagalang at batikang pangalan sa batas at hustisya, sa kanilang pag-endorso kay Chel Diokno sa pagka-Senador.

Kasama sa nag-endorso kay Diokno ang dating mga mahistrado ng Korte Suprema na sina Justice Roberto Abad at Justice Antonio Eduardo Nachura; ang dating mga Ombudsman na sina Conchita Carpio-Morales at Simeon Marcelo; at ang dekano ng Far Eastern University Institute of Law na si Melencio Sta. Maria at dekano ng Lyceum of the Philippines College of Law na si Soledad Mawis.

“We need to have a justice system that works. Kasi kung wala naman tayong sistema ng hustisya na gumagana, balewala ang mga magagandang batas natin. Balewala ang ating mga karapatan,” ani Diokno.

Sa Senado, balak ni Diokno na palakasin ang hustisya sa mga barangay para gawing mas mabilis at abot-kaya ang hustisya para sa ordinaryong mamamayan, punan ang mga bakanteng posisyon sa mga korte at mga piskal, gawing bukas ang proseso ng pag-appoint sa mga huwes, magtatag ng arbitration court, padaliing makuha ang SALN ng mga huwes, at hayaang magsagawa ng lifestyle check ang Ombudsman sa mga miyembro ng hudikatura.

Pinuri ng mga kapwa niya abogado hindi lang ang pagmamahal ni Diokno sa katarungan, kundi pati ang kaniyang pagseserbisyo sa taumbayan bilang abogado.

“Siya po ay abogadong may puso. May puso ho siya para sa mahirap, may puso ho siya sa naapi. If I were to spell Dean Chel’s name, I will spell it with s-e-r-v-i-c-e. Chel is service,” sabi ni Mawis.

Ayon naman kay dating Ombudsman Marcelo, makakatulong daw ang plataporma ni Diokno para malutas ang kawalan ng katarungan sa bayan ngayon, halimbawa sa talamak na patayan, sa endo, o sa taas ng presyo ng bilihin man.

“Hindi po makatarungan ang nakikita natin ngayon, yung patayan, ang pambabastos. Mahalaga sa Senado, itutuloy niya ang pagtatanggol ng karapatang pantao lalo na ng mahihirap, kababaihan, at kabataan,” dagdag ni Marcelo.

Ayon naman kay FEU Dean Sta. Maria, kailangan si Diokno para magiit ng Senado ang kalayaan nito.

“Ang lehislatura po e dapat panatag tayo na igigiit ang konsepto ng check and balance. Hindi tuta, at hindi malamya, kundi ginigiit. Nakakasiguro po tayo pagdating kay Chel Diokno,” sabi niya.

“Para sa akin po, dapat talaga magkaroon ng kamukha ni Chel Diokno sa Senado,” dagdag ni Sta. Maria.

Ayon sa mga mahistrado, namana rin daw ni Diokno ang tapang, prinsipyo, at integridad ng kaniyang amang si Sen. Jose “Ka Pepe” Diokno.

“Ang una kong naging trabaho ay sa law office ng father niya, si Atty. Jose W. Diokno. He was a brilliant man,” sabi ni Abad.

“Kung gano po katapang, gano ka-prinsipyo, yung integridad ng kanyang ama, ganoon din po si Chel. Mayroon siyang integrity, may prinsipyong tao, at matapang na pinaglalaban po niya, he’s really a champion of human rights,” dagdag naman ni Marcelo.

Nagpasalamat naman si Diokno sa kanilang pag-endorso.

“Nakakataba talaga ng puso ang kanilang suporta. At talagang ako ay na-inspire sa pagpunta nila dito,” aniya.

“With the support of the legal community, I really do believe that we will be able to make real changes that will help the people. Matagal na pong hinahanap ng ating taumbayan ang hustisya,” sabi ni Diokno.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?