175

Aug 30, 2021 @ 12:42

Mga DDS: Inday Sara best manok for president!

Nanindigan ang grupong Sara All Philippines 2022 na tanging si Davao City Mayor Sara Duterte lang ang pinakaswak na pambato sa pagkapresidente sa Eleksiyon 2022.

Anila, tanging ang alkalde lang kasi ang makakapagpatuloy ng mga programang sinimulan ng kanyang ama na si Pangulong Rodrigo Duterte.

“Nakalulungkot na mayroong pagkakaiba-iba pa sa pagpipiliang dalawang potensiyal na kandidato sa Koalisyon ng Administrasyon,” anang grupo.

“Kung talagang gusto natin ang pagpapatuloy ng mga programa ng Administrasyong Duterte, walang iba pang kapana-panalong kandidato sa ating koalisyon kundi si Mayor Sara,” pagpapatuloy pa nila.

Kumpiyansa rin ang grupo na kung sakaling kumandidato nga si Sara sa pagkapangulo sa sususnod na taon ay syurbol ang pagkapanalo nito dahil siya ang madalas manguna sa mga presidential survey.

“Kung gayon, siya lang (Duterte) ang may kapana-panalong kandidato sa Koalisyon ng Administrasyon.”

Kaugnay nito, nakiusap ang naturang grupo sa PDP-Laban na irespeto na lang sina Pangulong Duterte at Senador Bong Go sakaling umatras ito para kay Sara.

“Nananawagan kami sa ating mga kaibigan at kaalyado sa PDP-LABAN na irespeto ang tindig ni Pangulong Duterte at Sen. Bong Go na iaatras ang kandidatura kung sakaling tatakbo si Mayor Sara,” anila.

“Dalangin namin na diringgin ninyo ang mga Pahayag ni Pang. Duterte at Senator Bong Go,” dagdag pa nila.

Samantala, wala pang kumpirmasyon mula kay Mayor Sara kung tatakbo nga siya bilang lider ng bansa sa susunod na taon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?